-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa regular na inspeksyon at maintenance ng San Juanico Bridge kada tatlong taon upang matiyak ang kaligtasan ng mga gumagamit nito.

Ginawa ni Marcos ang pahayag sa kanyang pagbisita at inspeksyon sa Amandayehan Port sa Basey, Samar, na pansamantalang nagsisilbing alternatibong ruta para sa mga sasakyang hindi pinapayagang dumaan sa nasabing tulay.

Ayon sa Pangulo, delikado na ang kondisyon ng San Juanico Bridge batay sa pagsusuri ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Dagdag pa niya, mula sa kanyang pakikipag-usap sa mga residente, lumalabas na hindi ang itinakdang schedule ng maintenance nitong mga nakaraang taon, dahilan upang umabot sa kasalukuyang estado ang tulay.

Kinumpirma rin ng DPWH na sa pinakahuling inspeksyon, natuklasan ang mga seryosong problema sa estruktural na integridad ng San Juanico Bridge.

Dahil dito, pansamantalang ipinagbawal ang pagdaan ng mga sasakyang may bigat na higit sa tatlong tonelada sa 2.16-kilometrong tulay.

Sa kabilang banda, tiniyak naman ni Pangulong Marcos na magpapatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang hindi maantala ang daloy ng mga produkto at kalakal habang isinasagawa ang rehabilitasyon ng tulay.

Ipinanukala rin niya na unahing makatawid ang mga kargamentong madaling masira, gaya ng prutas at gulay.

Aminado naman ang Pangulo na posibleng tumaas ang gastos sa transportasyon habang isinasagawa ang pagkukumpuni, ngunit nangako siya na maglalaan ng tulong-pinansyal ang pamahalaan para sa mga maaapektuhan.

Upang mapabilis ang pagkumpuni, nilagdaan ni Marcos ang Proclamation No. 920 na nagsasaad ng pagsasailalim ng Eastern Visayas sa State of Calamity sa loob ng isang taon.

Samantala, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na pinag-aaralan na ring itaas ang kasalukuyang load limit ng San Juanico Bridge habang patuloy ang rehabilitasyon, na posibleng maipatupad sa huling bahagi ng taon.