-- Advertisements --

QUINAPONDAN, EASTERN SAMAR – Natagpuang patay ang isang guro sa Barangay Alang-Alang, Quinapondan, Eastern Samar noong Hunyo 8, 2026.

Kinilala ang biktima na si Anthony Y. Pardilan, 36 taong gulang, at school head ng Naga Elementary School.

Ayon kay Quinapondan Municipal Police Station Officer-in-Charge PLt. Ruel Lalosa, una nang iniulat na nawawala si Pardilan noong Hunyo 7 matapos siyang hindi makontak at hindi matagpuan sa kanyang bahay at paaralan.

Sa isinagawang imbestigasyon, natuklasan ng mga awtoridad sa laptop ng biktima ang mga mensaheng nagpapakita na nakipagkita siya sa dalawang suspek noong gabi ng Hunyo 6, 2026.

Mayroon ding testigo na nakakita sa biktima na kasama ang mga suspek bago naganap ang insidente.

Natagpuan ang bangkay ng biktima sa talahiban , humigit-kumulang 50 metro ang layo mula sa bahay ng isa sa mga suspek.

Batay sa isinagawang forensic examination, nagtamo ang biktima ng tatlong saksak. Isa sa likod at isa naman sa bandang kilikili, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Lumabas din sa imbestigasyon na posibleng isinagawa ang krimen sa loob ng bahay bago itinapon ang katawan sa lugar kung saan ito natagpuan.

Kinilala ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa mga alyas na “Junjun,” 22 taong gulang, at “Jake,” 18 taong gulang, Kapwa walang trabaho ang mga suspek at residente ng Sta. Rita, Samar.

Narekober din ng mga awtoridad ang motorsiklo ng biktima na umano’y ginamit ng mga suspek sa kanilang pagtakas.

Hawak na ng mga otoridad ang dalawang suspek na haharap sa kasong murder.

Samantala, naglabas ng pahayag ang Department of Education (DepEd) Region VIII na mariing kumokondena sa insidente.

“DepEd Region VIII strongly condemns all forms of violence and any act that threatens the safety, dignity, and well-being of our educators, personnel, learners, and communities,” ayon sa kanilang opisyal na pahayag.

Nagpahayag din ang DepEd ng pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan sa trabaho ng biktima, at umaasa na mabilis na makakamit ang hustisya para sa biktima.