-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Muling bumaba ang kaso ng dengue sa rehiyon 8 noong nakaraang taon, subalit nagbabala parin ang DOH Eastern Visayas na hindi magpakampanti ang publiko.

Sa patuloy na kampanya ng DOH-8 tungkol sa dengue awareness, nakapagtala ito ng mas mababang bilang ng kaso na 78% kumpara sa taong 2024.

Ayon sa DOH 8, ang probinsya ng Leyte ay nakapagtala ng 992 kaso ng dengue na sinundan ng probinsya ng Samar na may 739, Eastern Samar na may 171, Southern Leyte na may 572, Biliran na may 221, Northern Samar na may 471 kaso ng dengue na may kabuuang 3,489 na kaso.

Kabilang sa datos ang Tacloban, City na mayroon ding 251 kaso ng Dengue.

6 ang nasawi sa kaso ng dengue sa Eastern Visayas nitong 2025 na mula sa Quinapondan Eastern Samar, Macrohon Southern Leyte, Mondragon Catarman at Laoang Northern Samar.

Sa 6 na nasawi dahil sa dengue, 4 ang babae dito at 2 naman ang lalaki, kung saan 1-13 at 75 ang nasa edad.

Ayon kay Leonido Olobia – Program Manager ng DOH 8. Kahit na mababa ang bilang ng mga kaso at nasawi sa dengue, posibilidad itong tumaas ngayong 2026.

Isa sa mga sintomas ng dengue ay ang mataas na lagnat, pananakit ng mata, pananakit ng katawan, pagsusuka at mga pantal.

Kaya naman, patuloy na hinihimok ng DOH ang publiko na kung sakaling makakita ng anumang nakaimbak na tubig sa mga lalagyan tulad ng mga drum, dapat agad itong takpan o alisin ang mga tubig na maaring pangitlugan ng lamok.