TACLOBAN CITY – Dalawa na ang kompirmadong patay mula sa pagtama ng 5.1 magnitude na lindol sa ilang lugar sa probinsya ng Leyte kaninang umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Maria Contretas, 51, residente ng Barangay Naungan, at Rosita Baloro, 70, residente ng Barangay San Jose, na kapwa mga taga-Ormoc City.
Ayon kay P/Supt Elma Delos Santos, tagapagsalita ng Ormoc City Police Office (OCPO), atake sa puso ang dahilan ng pagkamatay ni Baloro, samantalang pagkabagok naman sa ulo matapos mag-slide ang ikinamatay ni Contretas.
Kwento pa ni Col. Delos Santos, sadyang malakas ang naturang lindol kaya’t marami ang nag-panic.
Maliban sa nasabing mga namatay, isang 20-anyos na babae naman ang patuloy na ginagamot ngayon sa ospital matapos na mahulog sa ikalawang palapag.
Umabot din sa 56 na mga kabahayan ang partially damage sa Barangay Altavista, Ormoc City dahil pa rin sa naturang lindol.
Una nang sinabi ng Office of Civil Defense (OCD-8) regional director Edgar Posadas, na batay sa kanilang inisyal na report may ilang mga hotel at establisiyemento ang nagkaroon ng bitak mula sa pagtama ng naturang lindol.
Paglinaw naman ng naturang opisyal, passable naman ang lahat ng daan sa Eastern Visayas batay sa isinumiteng report sa kanila ng DPWH.
Samantala, Bagaman na may inaasahang mga aftershocks ay pinawi naman ng naturang opisyal ang posibleng tsunami alert.
“Mababaw ang naturang lindol that’s why we have reported damages. Atlthough inaasahan natin ang ilan aftershocks ay wala naman tayong inaasahang tsunami alert,” ani Posadas.
Nagsuspinde naman ang lokal na pamahalaan ng Ormoc City ng klase matapos ang pagtama ng lindol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tacloban kay Ormoc Mayor Richard Gomez, iniulat nito na suspendido ang klase sa lahat ng antas sa lungsod, pampubliko man o pribadong paaralan.
Maliban dito ay suspendido din ang trabaho sa city hall ng Ormoc dahil sa naitalang mga bitak.
Patuloy din ang kanilang assesment lalo na sa mga establisyemento na nagkaroon ng minor cracks mula sa pagtama ng malakas na lindol noong nakaraang buwan.
“Nag-i-inspect yung mga engineers, pati na sa DepEd. Dumating na rin ang mga engineers nila. Patuloy ‘yong inspection natin. Sa ngayon ‘di pinapasok ang mga employees sa city hall and the classes are suspended already,” paliwanag pa ni Mayor Gomez.
Mapapag-alaman na noong nakaraang buwan lamang nang tumama rin ang malakas na lindol sa Ormoc City na kung saan maraming mga eskwelahan, establisyemento, kabahayan at iba pa ang nasira.
“Sa ngayon po, We would like to consider na parte pa ito ng aftershocks unless ma-prove pa natin ito kasi nga hindi siya lumakas para sa kabatiran ng ating mga mamamayan na matapos ang 6.9 magnitude na lindol ay umabot sa thousand na po ang aftershocks,” pahayag pa ni Director Posadas.