TACLOBAN – Patay ang 31-anyos na biktima sa Brgy. San Pedro, Jaro, Leyte ng aksidenteng mabaril ng kanyang kumpare matapos na mapagkamalang baboy ramo habang nangangaso.
Kinilala ang biktima kay alyas Jun, habang ang suspek naman an kinilala kay alyas Haping, 43-anyos, at kapwa residente ng nasabing barangay.
Ayon sa pakipagpanayam ng Bombo Radyo Tacloban kay Jaro Municipal Police Station Chief of Police, PMaj. Ronald Puso, nagpunta sa bukid ng nasabing lugar ang biktima kasama ang suspek at isa pa nitong kumpare para mangaso ng baboy ramo.
Pagdating ng mga ito sa bukid, humiwalay ng ruta ang biktima para sana sa mas malaking tyansa na makahuli sila ng baboy ramo.
Paglipas ng ilang oras, napansin ng suspek na may gumagalaw sa damuhan kung saan, sa pag-aakalang ito ay baboy ramo, agad nitong binaril ang gumalaw na parte ng damuhan gamit ang improvised homemade shotgun.
Nang lapitan na nito ang inakalang baboy ramo, laking gulat ng suspek ng makita niyang hindi ito baboy ramo kundi ang kaniyang kumpareng si alyas Jun.
Nagtamo ng isang tama sa leeg ang biktima kung saan dinala pa ito sa hospital pero idineklara nang dead-on-arrival.
Samantala, matapos na malaman ng suspek na nabaril niya si alyas Jun ay inutusan nito ang isa pa nilang kasama na si alyas Mario na pumunta sa mga otoridad para i-report ang nangyari habang siya ay maghihintay sa pagdating ng mga ito.
Pagdating ng mga pulis, boluntaryo namang sumama ang suspek sa mga ito.
Sa ngayon ay desido ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek.