-- Advertisements --

Isa ang naitalang patay at apat na biktima ang nailigtas ng Philippine Coast Guard District Eastern Visayas sa nangyaring insidente sa karagatan noong kasagsagan ng Semana Santa.

Ayon kay PCG Eastern Visayas Public Information Officer, Ensign Ryan Jaime Tolentino, dalawa ang naitalang near drowning incident sa magkaibang lugar sa rehiyon bandang alas 4 ng hapon noong easter sunday dahil sa impluwensya ng alak.

Ang isang biktima ay isang 16- anyos na babae at residente ng San Guillermo Matag-ob, Leyte. Maliban dito, isa pang biktima ang nalunod sa isang Public Beach sa Brgy. Hapitan Dolores Eastern Samar.

Kung saan, napag-alaman na habang nasa impluwensya ng alak ang biktima ay lumangoy ito at tumama ang ulo nito sa bato malapit sa kanyang pinaglangoyan kung saan siya tumalon. Agad naman itong nakita ng kanyang kasama at binigyan ng Cardiopulmonary resuscitation (CPR) at dinala sa pinakamalapit na hospital.

Samantala, bandang alas 8:00 naman ng gabi, nakatanggap ng report ang Coast Guard Substation Baybay na mayroong dalawang indibidwal ang nawawala sa vicinity waters ng Baybay City habang lulan ng kayak sa Brgy. Gabas Baybay City.

Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mga personel ng coast guard at bandang 1:30 ng umaga kahapon, lunes, ay ligtas na natagpuan ang mga biktima sa Brgy. Quilim Agta Baybay, City Leyte at agad naman itong dinala sa Immaculate Conception Baybay Hospital para sa agarang atensyong medical.

Maliban dito, isa pang insidente ng pagkalunod sa bayan ng Las Navas Northern Samar ang naitala. Kung saan, isang 13-anyos na lalaki ang namatay matapos magkayayaan kasama ang kaniyang mga barkada na maligo sa isang dam.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na ang biktima ay hindi marunong lumangoy. Hindi naman ito nagawang i-rescue ng kanyang mga kasama dahil sa malakas na agos ng tubig.