-- Advertisements --

TACLOBAN CITY — Buo ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Northern Samar sa pagtatayo ng offshore wind farms sa lalawigan, katuwang ang mga pribadong developer at ang Department of Energy (DOE).

Target ng probinsya na maging isa sa pangunahing lokasyon ng renewable energy investments sa Eastern Visayas.

Dahil dito, pinadadali ang mga proseso at pagkuha ng permit para sa mga mamumuhunan.

Kabilang sa mga hakbang ang pagtatatag ng Business One-Stop Shop na nagsisilbing sentro ng koordinasyon ng 24 na munisipalidad para sa mabilisang proseso ng mga kinakailangang dokumento.

Habang ang mga LGU ang may awtoridad sa paglalabas ng permit, umaakto ang pamahalaang panlalawigan upang mapadali ang mga bayarin at proseso, alinsunod sa umiiral na batas.

Sa pre-development stage pa lamang, aktibo na ang Northern Samar sa koordinasyon sa pagitan ng mga developer, national agencies, at iba pang stakeholder.

Pinagtutuunan din ng pansin ang mga isyung teknikal tulad ng transmission lines at municipal waters.

Upang masiguro ang partisipasyon ng mga mamamayan, inilunsad ang Sambayanihan Council, isang multi-stakeholder platform na naglalayong marinig ang saloobin ng mga lokal na komunidad ukol sa epekto at benepisyo ng proyekto.

Ipinapatupad na rin ang Green Lane Ordinance, na naglalayong padaliin pa lalo ang pagpasok ng mga strategic investments, lalo na ang mga proyektong tumatawid sa iba’t ibang munisipalidad.

Kasabay nito, patuloy ang pagpapaunlad sa mga batayang serbisyo gaya ng tubig, kuryente, at transportasyon upang maging mas angkop ang lalawigan sa malakihang pamumuhunan.

Inaasahang magiging sentro ng offshore wind energy ang Northern Samar sa mga darating na taon, kung saan posibleng maitayo ang anim na offshore wind farms sa lalawigan pagsapit ng 2030. via | Bombo Shiela Encio