TACLOBAN CITY – Kinumpirma ng Leyte Police Provincial Office na pitong pulis mula sa Ormoc City ang kinilalang Persons of Interest sa pamamaril kay Albuera, Leyte Mayoralty candidate Kerwin Espinosa sa Brgy. Tinag-an, Albuera, Leyte.
Sa isinagawang eksaminasyon, nag-negatibo sa paraffin test ang mga ito, ang paraffin test o dermal nitrate test ay isang tradisyunal na paraan upang matukoy ang pagkakaroon ng nalalabing gunshot residue sa kamay ng isang indibidwal at kung siya ay nagpaputok ng baril kamakailan.
Ayon kay Leyte Police Provincial Office, Provincial Director, PCol. Dioniso Apas Jr., katorseng baril ang boluntaryong isinuko ng Persons of Interest sa insidente ng pamamaril sa Brgy. Tinag-an, Albuera, Leyte.
Ito ay: anim na 5.56 caliber rifles, dalawang .45 caliber pistol, isang Mini Uzi submachine gun, at limang 9mm pistol.
Nabatid din na lima sa anim na 5.56 caliber rifles, dalawang .45 caliber pistol, at ang Mini Uzi submachine gun ay walang record ng rehistrasyon sa Regional Civil Security Unit 8 (RCSU), habang isa lamang sa anim na rifle ang nakarehistro sa isang indibidwal.
Ang limang 9mm pistol ay na-validate ng Regional Logistics and Research Development Division (RLDDD) bilang opisyal na ibinigay sa mga pulis na sangkot.
Sa kabilang banda, sa forensic examination lahat ng 14 na baril ay napatunayang operational, samantalang ang mga baril na ito ay nagpositibo sa gunpowder residue examination, habang negatibo naman o walang bakas ng pulbura sa kamay o damit ng mga Persons of Interest.
Batay sa mga resultang ito, nagsampa na ng mga reklamo laban sa pitong indibidwal dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591) at Gun Ban sa ilalim ng COMELEC Resolution 11067.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa reklamo ng Frustrated Murder kung saan nangangalap pa ng ebidensya ang mga awtoridad habang tinitingnan ang ilang posibleng motibo sa pamamaril.