-- Advertisements --

TACLOBAN CITY– Patuloy ang panawagan ng mga truck driver na kasalukuyang stranded sa Samar bunsod ng pagsasara ng San Juanico Bridge.

Sa kabila ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), iginiit ng mga driver na ang tanging hangad nila ay makauwi na sa kanilang mga tahanan.

Ipinahayag ng mga driver na hindi sapat ang ayuda kung hindi sila makakabalik agad sa kanilang kabuhayan at mga mahal sa buhay.
Ayon sa ilang driver, kabilang si Noel Ortile na residente ng Antipolo City, hindi naging malinaw sa kanila ang impormasyon hinggil sa alternatibong biyahe sa pamamagitan ng barge.

Inaasahan umano nilang makakatawid na sila noong nakaraang linggo, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring konkretong anunsyo kung kailan ito magsisimula.

Dahil sa matagal na pagkaantala ng biyahe, maraming driver ang hindi na makapagpadala ng suporta sa kanilang mga pamilya.
Ilan pa sa kanila ay baon na sa utang dahil sa kawalan ng kita habang nananatiling nakaipit sa Samar.

Ipinahayag pa ng mga apektadong drivers na sana’y nagkaroon ng mas maagang abiso ang mga kinauukulan bago limitahan ang San Juanico Bridge. Ayon sa kanila, mas makabubuti sana kung may abisong ibinigay dalawang linggo o isang buwan bago ang paglilimita upang nakapaghanda sila nang maayos.

Binanggit pa ng ilan na kahit noong kasagsagan ng Bagyong Yolanda ay nanatiling matibay ang tulay, kaya’t ipinagtataka nila kung bakit tila mas naging marupok ito pagkatapos ng eleksyon.

Bagama’t pinasalamatan ng mga driver ang tulong mula sa DSWD, iginiit ng mga ito na hindi iyon sapat upang mapawi ang kanilang pangungulila at alalahanin para sa pamilya, higit sa lahat ang hangad nila ay makauwi.

Sa katunayan, nagpahayag pa ng kahandaan ang ilang tsuper na tumulong sa rehabilitasyon ng pantalan sa Barangay Amendeyahan, Basey.

Anila, kung kinakailangan ng karagdagang lakas-tao para mapabilis ang operasyon ng barge ay bukas silang makiisa rito.

Nakiusap rin ang mga driver sa pamahalaan at mga kaugnay na ahensiya na agarang tugunan ang kanilang sitwasyon at hanapan ng mabilis na solusyon ang problema sa transportasyon.

Para sa kanila, ang bawat araw ng pagkaantala ay dagdag pasakit para sa kanilang mga kabuhayan at pamilyang umaasa sa kanilang pagbabalik.