TACLOBAN CITY – Nagpaalala ang Securities and Exchange Commission Tacloban sa publiko na maging mapagmatyag ngayong ipinagdiriwang ang Valentines Day.
Ayon kay Joamir Perpiñan, SEC. Administrator I, mag-ingat sa pagpapadala ng ating personal na pera sa mga estranghero.
Ang Love Scam ay isang modus ng mga kahina-hinalang tao, na gustong magnakaw ng pera sa ibang tao sa pamamagitan ng social media.
Bukod dito, mas mabuting maging maingat at alamin ang mga galawan ng mga magnanakaw.
Ayon pa kay Perpiñan, ngayong makabago na ang teknolohiya, isa sa mga gamit ng mga magnanakaw ay ang tinatawag na Artificial Intelligence (AI), na ginagaya ang mukha ng isang indibidwal.
Nabatid na talamak ang tinatawag na love scam hindi lamang sa buwan ng Pebrero kaya’t pinapayuhan ang publiko na maging maingat at mapagmatyag sa lahat ng oras.
Iwasang magpadala ng mga larawan, video, at kahit na personal na impormasyon, dahil magagamit ang mga ito ng mga scammer upang magnakaw.










