-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Patuloy ang isinasagawang Psychological First Aid (PFA) sa mga biktima kagaya ng mga mag-aaral, guro, at iba pang apektado sa nangyaring pamamaril ng dalawang menor de edad na suspek sa paaralan ng San Jose National High School sa lungsod ng Tacloban.

Bago magsimula ang pagsasailalim sa PFA ng mga biktima, humingi ng tulong ang Philippine Guidance and Counseling Association Eastern Visyas Chapter Inc. sa mga lisensyadong Counselors, Psychologists, Psychometricians, at Social Workers upang boluntaryong tumulong sa pagsasagawa ng PFA sa mga apektado.

Sa pagsasagawa ng Psychological First Aid, may sinusunod na tatlong hakbang o proseso ang mga kinauukulan:

Una ay ang look, kung saan tinitingnan kung ano ang mga pinakakailangan ng mga biktima o mga basic needs.

Pangalawa ay ang listen, kung saan kinakailangan ng active listening skills, empathy o kakayahang makaramdam sa kung ano ang nararamdaman ng biktima, at matulungan ang mga biktima na magin kalmado nang hindi pinipilit na magsalita o magkwento.

At panghuli, ang link, kung saan kailangan tulungan ang biktima sa kanyang praktikal na pangangailangan katulad ng pagkonekta sa kanyang mga mahal sa buhay, support system, at propesyunal na tulong.

Sinimulan ang PFA noong Myerkules, Hunyo 24 kung saan ilang mag-aaral at guro na ang isinailalim dito sa tulong na rin mga mga propesyunal na volunteers.

Samantala, magpapatuloy naman ngayong araw ang pagsasagawa ng PFA sa mga biktima kung saan nakatakda rin itong magtapos.

Matatandaang nagkaroong ng insidente ng pamamaril banda alas-9:20 ng umaga sa San Jose National High School noong Hunyo 22 kung saan tatlong biktima ang naitalang patay at dalawampu naman ang sugatan—ang mga suspek, menor de edad na nag-eedad ng 14 at 15.