-- Advertisements --

TACLOBAN CITY– Ginawang temporayong pantalan ngayon ang Amandayehan sa Basey, Samar, bilang posibleng alternatibong rota patungong Tacloban City para sa malalaking truck, kasunod ng pansamantalang pagsasara ng San Juanico Bridge sa mga sasakyang may bigat na higit sa tatlong tonelada.

Sinabi ng Philippine Ports Authority (PPA) na kailangan pa ng malawakang pagsasaayos sa nasabing pantalan upang ito ay ligtas na makapagsagawa ng roll-on, roll-off (RoRo) operations.

Noong Huwebes, isinagawa ang berthing trial at test float ng RoRo vessel na LCT Aldain Dowey, sa Pantalan ng Amandayehan, na dinaluhan ng mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya.

Ayon kay Kahlil Lamigo, port manager ng PPA para sa Eastern Leyte at Samar, malaking tulong ang isinagawang trial upang matukoy ng mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, kumpanya ng shipping, at mga truck operator ang mga aspetong dapat pa mapabuti.
Aniya, kailangang palakasin ang rampa ng pantalan upang maging madali ang pagsakay at pagbaba ng mga sasakyang may gulong, lalo na kapag high tide.

Ang pagsasaayos sa pantalan ay pinopondohan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Batay sa isinagawang test float, tumagal lamang ng 30 minuto ang biyahe ng barko mula Tacloban patungong Pantalan ng Amandayehan sa Basey, Samar.


Ito ang pinakamabilis na ruta mula Samar patungong Tacloban para sa mga heavy trucks, na kasalukuyang hindi pinapayagang tumawid sa 2.16-kilometrong San Juanico Bridge.

Matatandaang noong 1994, nang pansamantalang isinara ang San Juanico Bridge, ginamit ang maliit na pantalan sa Basey para sa mga barge na tumatawid sa San Juanico Strait upang maghatid ng mga sasakyan mula Samar papuntang Tacloban.

Ayon naman kay Joseph Go, may-ari ng Shipping Corporation ay kinakailangan na lamang ng sertipikasyon mula sa PPA at MARINA at umaasa ito na mailalabas ito ngayong linggo.

Ang barko ay may kapasidad na magsakay ng 16 trucks at ang singil para sa 10-wheeler truck ay PHP3,000.

Bukod sa pagiging mabilis, ang ruta ng Tacloban-Amandayehan ay mas mura rin kumpara sa alternatibong rutang Calbayog-Ormoc, na umaabot sa PHP17,000 kada truck, maliban pa sa PHP4,000 na pamasahe mula Sorsogon patungong Northern Samar.

Ang San Juanico Bridge, na natapos noong 1973, ay ang tanging tulay na nag-uugnay sa mga lalawigan ng Samar at Leyte at bahagi rin ng nautical highway na nagdudugtong sa Luzon, Visayas, at Mindanao.