TACLOBAN CITY– Nayupi ang isang pampasaheros na van matapos na bumangga sa poste ng street light papuntang Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City kung saan isa ang naitalang patay.
Ayon kay Tacloban City Police Office City Affairs & Development Unit Head, PLtCol Allan Camasin, hindi bababa sa labing-isa ang sakay ng nasabing van kasama ang driver ng mangyari ang aksidente.
Batay sa imbestigasyon, bumibiyahe mula sa Ormoc City ang van at maghahatid sana ng pasaheros sa nasabing paliparan ng mangyari ang disgrasya.
Ayon sa mga naka-saksi, mabilis ang takbo ng van at nang mga oras na iyon ay bumubuhos din ng malakas ang ulan na nagresulta ng pagdulas ng daanan.
Dahil sa madulas na daanan at mabilis na takbo ng sasakyan ay nag-slide ito at bumangga sa poste kung saan dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga ay tumilapon palabas ng van ang ilang pasaheros at lumusot naman sa likod ng van ang isang babae na agarang ikinasawi nito.
Kasama naman sa mga lulan ng van ang isang tatlong taong gulang na bata na nakaligtas sa aksidente matapos yapusin ng mahigpit ng kanyang ina.
Agad namang dinala ang mga biktima kasama ang driver ng van sa hospital para sa agarang atensyon-medikal, kung saan dalawa sa mga ito ay nasa kritikal na kondisyon.
Nakatakda namang sampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Multiple Physical Injury and Damage to Property ang driver ng pampasaheros na van pagkalabas nito sa pagamutan.
Samantala, magpapalabas naman ng preventive suspension order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Regional Office VIII laban sa operator ng van.