TACLOBAN CITY– Kinumpirma ng Commission on Higher Education Region 8, na nakapagbigay na sila ng closure order para sa paaralang Our Lady of Mercy College Borongan City.
Ayon kay Commission on Higher Education Region 8, Regional Director, Dr. Maximo Aljibe, nakapaloob sa nasabing closure order na hangang Mayo 2025 nalang pwedeng makapag-operate ang nasabing paaralan.
Ang mangyayari ay makakag-graduate ang current 4th year students ngayong taon, habang ang 1st-3rd year level, ay ililipat sa mga accredited schools ng CHED.
Binigyan diin ng nasabing director, na binigyan nila ng palugit at extension ang nasabing paaralan tatlong taon na ang nakakaraan para sa kanilang mga requirements at compilation ng mga mahahalagang dokumento na kailangan ng nasabing ahensya.
Matatandaan, marami ring mga estudyante ang nagkwestyon sa CHED, kung bakit hindi pa nila ito ipinpasara gayong hindi ito nakakapag comply.
Binigyang linaw rin ni Aljibe, na sa kabila ng hindi pagko-comply ng OLMC, ay tinutulungan nila itong makahanap ng mga enrollment list, at ilang record ng kanilang mga estudyante, dahil hindi ito nakakapag-palabas ng special orders galing sa kanilang opisina, sa kadahilanang hindi nakaka-comply ang nasabing paaralan.
Pinabulaan din ng nasabing director, ang mga pamahayag ng OLMC, na nakapag sumbit na ito ng mga importanting dokumento sa kanilang opisina.
Dagdag pa ni Aljibe, isa sa kanilang nakikitang rason kung bakit hindi nakakapag-comply ang nasabing paaralan, ay dahil hindi maganda ang pagpapatakbo ng management sa kanilang mga records.
Isa rin sa kanilang tinitingnang dahilan ang pagkakaroon ng sakit ng Presidente ng nasabing paaralan kaya hindi ito natutukan ng mabuti.
Nagbigay naman ng sagot ang OLMC Borongan sa CHED, kung saan pinangako nitong mag ko-comply sila bago dumating an ibinigay na deadline.
Sagot naman ni Aljibe, sa oras naman na makapag-comply ang mga ito ay pupunta sila ng central office sa Manila para makapag re-apply.
Umaasa naman ang nasabing director, na makakayang makapag-comply ang nasabing paaralan bago dumating ang deadline.