TACLOBAN CITY– Naliligo sa sariling dugo ang isang mister matapos ito pagtatagain ng bolo ng kanyang asawa sa Brgy. 98 Camansihay, Tacloban City.
Kinilala ang suspek na maybahay kay alyas Zelda 58-taong gulang isang vendor, habang kinilala naman ang biktima kay alyas Tino, 67 taong gulang mga residente ng nasabing barangay.
Ayon kay PCpt Jefferson Arellano, OIC Station 3 Commander, Tacloban City Police Office, na basi sa kanilang ginawang imbestigasyon, nagkaroon ang mag-asawa ng debate kung saan nagresulta ito sa pagkuha ng mister ng itak at ng tatagain na niya ang kanyang asawa, agad naman nitong na-agaw, at dahil sa napakabilis na pangyayari, tinaga ng misis ang kanyang asawa.
Nagtamo ang mister ng mga sugat sa kamay, at ilang bahagi ng katawan na nagresulta ng kanyang agarang pagkamatay.
Ayon naman kay PLt. Col. Allan Camasin, Information Officer Tacloban City Police Office, hinihinalang selos ang dahilan kung kaya nangyari ang hindi pagkaka-intindihan ng mag-asawa.
Agad namang sumurender ang suspek sa mga kapulisan matapos ang pangyayari.
Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa kasong Parricide.