-- Advertisements --

TACLOBAN CITY– Ikinagulat ni Rachel Sabando, ina ni Chrisia Mae, ang balitang napanalunan ng kanyang anak ang gintong medalya sa kategoryang secondary girls 3,000-meter run sa Palarong Pambansa na patuloy ginanap ngayong araw sa Ilocos Norte.

Ayon sa kanyang ina, si Chrisia ay isang batang palaban at agresibo, na kahit anong hamon o pagsubok sa buhay ay hindi kailanman sumusuko. Aniya, determinado talaga ang kanilang anak na maabot ang kanyang pangarap na magwagi ng gintong medalya.

Dagdag pa ng kanilang pamilya, tila isang “comeback” ang tagumpay na ito para kay Chrisia Mae. Una siyang sumabak sa parehong kompetisyon noong 2024 sa Cebu kung saan nasungkit niya ang pilak na medalya. Ito ang nagsilbing inspirasyon upang bumalik siya ngayong taon at makamit ang mas mataas na karangalan.

Sa murang edad na 13, kamangha-mangha ang naabot ni Chrisia Mae. Siya ay estudyante ng Tanuan National High School at papasok na sa ika-siyam na baitang. Kilala siya sa kanilang lugar bilang isang masunurin at mabait na bata.

Hindi maitago ng kanyang mga magulang ang kanilang labis na kasiyahan at pagluha sa tagumpay ng kanilang anak, lalo’t ang kanilang pamilya ay nabubuhay lamang sa pamamagitan ng pangingisda. Ayon pa sa kanyang ina, napahanga rin ang kanyang kapatid na isa ring atleta at minsan nang nagwagi sa mga paligsahan. Plano nitong sundan ang yapak ni Chrisia sa larangan ng palakasan.

Makikita sa dingding ng kanilang bahay ang samu’t saring medalya na napanalunan ni Chrisia Mae mula sa iba’t ibang kompetisyon na kanyang sinalihan. Sabi nga ng kanyang mga magulang, tuwing nakikita nila ang mga medalya, lalo silang nabibigyan ng inspirasyon na ipagpatuloy ang pagsuporta sa kanilang anak, na ngayon ay isang ganap na gold medalist at naghahanda para sa mas malalaking kompetisyon tulad ng Olympic Games.