-- Advertisements --

TACLOBAN CITY– Nagpalabas ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board Eastern Visayas ng 30 araw o isang buwang suspensiyon sa prangkisa ng isang Public Utility Vehicle na sangkot sa aksidente sa Basey, Samar.

Ang suspensiyon ay alinsunod sa utos ni LTFRB Regional Director Gualberto Gualberto at bahagi ito ng isinasagawang imbestigasyon ng ahensya.

Naapektuhan ang ruta ng van (Borongan-Tacloban) na nasangkot sa madugong aksidente kung saan apat na buhay ang nasawi at anim na iba pa ang nasugatan. Kabilang sa mga namatay ang driver ng van at tatlong pasahero.

Bilang bahagi ng suspensiyon, inutusan din ng ahensya ang operator na sumailalim sa mandatory drug test para sa lahat ng driver ng apektadong prangkisa, sasailalim din sila sa Road Safety Seminar.

Ang lahat ng sasakyang ginagamit sa ruta ay dapat ding sumailalim sa road worthiness at mechanical fitness.

Kaugnay sa insidente, agad na nagbigay ng tulong ang operator sa mga sugatang pasahero at sa pamilya ng mga biktima namatay.

Tiniyak din ng ahensya ang mabilis na pagbabayad ng insurance claims ng mga pasaherong nabiktima ng aksidente.