-- Advertisements --

TACLOBAN CITY– Ipinahayag ni Leyte 4th District Representative Richard Gomez ang kanyang plano na muling isumite ang House Bill 377.

Ang panukalang ito ay naglalayong magbigay ng access sa medical cannabis at magtatag ng Medical Cannabis Office na tututok sa pagpapatupad at regulasyon nito.

Ayon kay Cong. Gomez, mahalaga ang panukalang ito dahil sa mga benepisyo ng medical cannabis para sa mga pasyenteng may mga sakit tulad ng Alzheimer’s disease at cancer.

Binigyang-diin ni Gomez ang pangangailangan para sa compassionate care na mga opsyon, at itinuring ang panukala bilang isang solusyon sa usaping pampublikong kalusugan.

Matatandaang naipasa na ang nasabing panukala sa House of Representatives noong 19th Congress, ngunit hindi ito naaprubahan ng Senado hanggang sa matapos ang sesyon.

Dahil dito, personal na muling isusumete ni Gomez ang panukala upang maipagpatuloy ang deliberasyon sa bagong Kongreso.

Umaasa si Cong. Gomez na magkakaroon ng mas maraming suporta at masusing pagtalakay upang matiyak na ang panukala ay makakatugon sa pangangailangan ng mga pasyente at mapoprotektahan ang kapakanan ng publiko.