TACLOBAN CITY – Pinangunahan ni DOH Secretary Ted Herbosa, ang pagbubukas ng kauna-unahang Department of Health Wellness Clinic sa buong Eastern Visayas ngayong araw sa lungsod ng Tacloban.
Kasama ang mga kinatawan ng Department of Health Eastern Visayas, at ilang opisyal ng syudad, ganap nang binuksan sa publiko ang kauna-unahang wellness clinic sa rehiyon na nasa loob ng isang mall.
Sa naging panayam ni Department of Health Secretary Teodoro Herbosa, isa sa mga rason kung bakit naisipan nitong sa isang mall buksan ang nasabing clinic, dahil sa panahon ngayon na mas marami nang kabataan ang tumatambay at nagpupunta sa mall.
Ilan sa mga serbisyo na abilabli sa nasabing wellness clinic ay ang mga basic services at special services kagaya na lamang ng HIV screening and counseling at mental health program services.
Dagdag pa ni Herbosa, sa makabagong panahon gusto nitong baguhin rin ang pananaw ng mga tao, na hindi lang ospital ang maaring puntahan ng mga ito kung may sakit, dahil mas pinadali at mas pinalapit pa ang pagbibigay ng lunas at serbisyo sa mga may sakit na kabataan.
Binigyan diin din nito na ang wellness ay ang pagkakaroon ng tamang pagkain, ehersisyo at tamang lifestyle.
Naniniwala rin ito na malaking tulong ang wellness clinic, dahil mababawasan ang magiging bayarin sa hospital sa hinaharap.
Nagpasalamat naman si Herbosa sa lahat ng ahensya at opisyal na naki-isa sa nasabing pagbubukas ng Wellness Clinic.










