-- Advertisements --

ORMOC CITY – Matagumpay na idinaos ang Piña Festival 2025 Street Dance at Grand Showdown sa lungsod ng Ormoc, Leyte noong Linggo, Hunyo 22.

Daan-daang manonood mula sa iba’t ibang bahagi ng Eastern Visayas ang dumalo upang saksihan ang makulay at engrandeng pagdiriwang ng sining, kultura, at talento ng mga Ormocanon.

Umabot sa halos ₱1.9 milyon ang kabuuang halagang ipinamahagi bilang gantimpala sa mga kalahok.

Isa sa mga tampok sa nasabing pagdiriwang ang Higantes Competition, kung saan ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang malikhaing talento sa paggawa ng dambuhalang pigurang may makasining at makulay na disenyo.

Itinanghal na kampeon ang obrang “Piña Ormocana” ni Lionel Bensig na nag-uwi ng ₱75,000. Nakuha naman ng “Queen Pineapple of Ormoc” nina Eddie Bert Sorno at ng kanyang grupo ang unang karangalan at premyong ₱50,000. Pumangatlo naman ang “Reyna Dayaw: The Shining Heart of Ormoc” ni Sheena Rose Campos na ginawaran ng ₱30,000.

Sa Street Dance Competition Grand Showdown, pitong grupo ang nagtagisan ng galing sa lansangan.

Nagwagi bilang kampeon ang Eastern Visayas State University – Ormoc (EVSU) Pundok Sidlakan at tumanggap ng ₱700,000. Nasungkit naman ng New Ormoc City National High School ang unang gantimpala na may premyong ₱600,000, habang pumangatlo ang Liloan National High School na ginawaran ng ₱500,000. Tumanggap din ng tig-₱400,000 ang apat na natitirang grupo bilang insentibo sa kanilang partisipasyon.

Itinanghal namang Piña Festival Queen 2025 si Issie Challis ng Western Leyte College Inc., na ginawaran ng ₱35,000 bilang pagkilala sa kanyang husay, tikas, at pagpapakita ng kulturang ng Ormoc.

Nagpahayag din ng pagbati at pasasalamat sina Ormoc City Mayor Lucy Torres Gomez, Leyte 4th District Representative Richard Gomez, Fiesta Executive Committee Chair Jude Abenoja, at Festival Chair Estrella Maria Pangilinan.

Ayon kay Leyte 4th District Representative Cong. Richard Gomez, mas malaki ang inilaan nilang pondo ngayong taon para sa props at kasuotan kaya’t mas umangat ang kalidad ng mga pagtatanghal.

“This year is better than the previous years. We have given more time to rehearse, to practice…”

Dagdag pa niya, mas pinataas rin ang mga premyo ngayong taon, na umaasang sa susunod ay aabot pa ito ng hanggang isang milyong piso. Bukas din umano siya sa posibilidad ng pagsali ng Ormoc sa mga pambansang patimpalak tulad ng Aliwan Festival, at tinalakay rin nito ang ideya ng pagbubukas ng kompetisyon sa buong Eastern Visayas sa mga susunod na taon, na maaaring isakatuparan sa isa pang selebrasyon gaya ng Charter Day.

Nagbigay-aliw rin ang mga lokal na musikero gaya ng Chizweeze, Ormoc Music Pop Artists, at Don Juan.

Isang Unity Dance naman ang isinagawa ng lahat ng contingents bilang simbolo ng pagkakaisa at sama-samang selebrasyon.

Isang makapigil-hiningang fireworks display rin ang nagbigay-liwanag sa kalangitan ng Ormoc, na nagsilbing hudyat ng matagumpay at makasaysayang pagtatapos ng Piña Festival 2025. (via Bombo Shiela Encio)