TACLOBAN CITY — Umabot sa ₱130,000 ang paunang tulong pinansyal na ipinagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office VIII sa mga biktima at pamilya ng naapektuhan ng shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nananatiling nakaantabay ang ahensya sa pagbibigay ng karagdagang suporta, kabilang ang psychosocial interventions tulad ng grief at trauma counseling para sa mga naulilang pamilya at mga sugatan.
Kaagad ding nagpadala ang DSWD ng mga social worker upang tumutok sa mga pamilya ng mga biktima at sa mga ospital kung saan ginagamot ang mga sugatan.
Tiniyak din ng kalihim na nasa kustodiya na ng DSWD ang dalawang menor de edad na sangkot sa insidente at kasalukuyang sumasailalim sa mga proseso na itinakda ng batas para sa mga batang may kaso.
Ipinaliwanag niya na bagama’t may mga probisyon ang Juvenile Justice and Welfare Act para sa mga menor de edad, may pananagutan pa rin ang mga nakatatanda kung mapatutunayang nagkaroon ng kapabayaan, lalo na sa usapin ng pag-access ng mga bata sa mga baril.
Ayon pa kay Gatchalian, patuloy ang imbestigasyon ng mga law enforcement agencies upang matukoy ang lahat ng posibleng pananagutan kaugnay ng
insidente.
Samantala, nanawagan ang kalihim sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at iwasan ang paglalathala ng sensitibong larawan o impormasyon na maaaring magdulot muli ng trauma sa mga biktima at kanilang pamilya.











