-- Advertisements --

Samar — Bibigyang prayoridad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang rehabilitasyon ng mga tulay sa Maharlika Highway sa Samar at Leyte.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, mahirap ipaliwanag ang kasalukuyang kalagayan ng Maharlika Highway sa kabila ng bilyon-bilyong pisong pondong nailaan para sa mga proyekto sa Samar at Leyte sa mga nagdaang taon.

Aniya, sa halip na bumuti, nananatili o lalo pang lumalala ang kondisyon ng mga kalsada at tulay.

Kailangan talaga nating balikan ang mga nakaraang badyet at proyekto para malaman kung saan ginamit ang pera..,” pahayag ng kalihim.

Dagdag pa niya, dapat managot ang mga responsable sa paggastos ng pondo ng pamahalaan.

Gayunman, binigyang-diin ni Dizon na higit na mahalaga sa kasalukuyan ang agarang pagkilos upang maisaayos ang mga kritikal na imprastraktura, partikular ang mga tulay na nagpapakita na ng structural deterioration.

Marami sa mga tulay sa Samar at Leyte ang tinatayang nasa 40 hanggang 60 taon na ang edad, kabilang ang San Juanico Bridge, Calbiga Bridge, Gandara Bridge, at Niaga Bridge.

Karamihan sa mga ito ay steel bridges na hindi na kayang saluhin ang bigat at dami ng mga modernong sasakyan.

Walang saysay ang pag-aayos ng kalsada kung ang mga tulay naman ay hindi madaanan. Kapag bumigay ang tulay, napakalayo ng iikutan at mas mahihirapan ang mga motorista at residente…”

Ito ang isa sa pinakamalaking problema ng Maharlika Highway sa Samar at Leyte.

Dahil dito, inatasan ng kalihim si DPWH Undersecretary Lara Esquibil, na magpatupad ng isang “special focus” program para sa rehabilitasyon ng mga tulay sa Region 8, bukod pa sa road maintenance programs ng ahensya.

Tinukoy ni Dizon ang rehiyon bilang isang “special case” dahil sa dami at katandaan ng mga tulay na nangangailangan ng agarang atensyon.

Upang matiyak ang mabilis at dekalidad na implementasyon ng mga proyekto, sinabi ni Dizon na nakikipag-ugnayan na siya sa mga malalaking construction firms sa bansa sa pamamagitan ng Association of Constructors (AAC).

Kabilang dito ang mga kumpanyang karaniwang humahawak ng malalaking proyekto sa pribadong sektor at bihirang lumahok sa mga proyekto ng DPWH.

Magandang senyales ito dahil kung ang mga proyektong ito ay hahawakan ng mga pinakamalalaking kontratista, masisiguro natin ang bilis at, higit sa lahat, ang kalidad ng mga tulay at kalsadang itatayo…” ani Dizon.

Muling iginiit ng kalihim na habang isinusulong ang pananagutan sa mga nagdaang proyekto, nananatiling pangunahing layunin ng DPWH ang agarang pagsasaayos ng Maharlika Highway, lalo na ang mga tulay, upang matiyak ang kaligtasan at magandang daloy ng trapiko sa Samar at Leyte.