TACLOBAN CITY- May kabuuang 2,821 tropa ang ipapakalat ng 8ID Philippine Army, para tumulong sa pagtiyak ng kapayapaan at seguridad sa darating na halalan.
Ayon kay Capt. Jefferson Mariano, Division Public Affairs Officer, 8ID Philippine Army, ang nasabing bilang ay direktang ide-deploy sa buong lugar ng Eastern Visayas.
Bukod dito, nakipag-ugnayan na rin sila sa mga opisyal ng Comelec gayundin sa mga tauhan ng PNP at lahat ng opisyal ng barangay upang sila ay magtulungan sa pagpapatupad ng seguridad sa araw ng halalan.
Aniya, sa nasabing bilang, 2,434 na sundalo ang nasa combat mode o Focus military operation.
Ang mga ito ay naka-pukos sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) sa rehiyon.
Ibinahagi ni Mariano na sa Samar area, isang lugar lang ang kanilang ikinokonsidera at mahigpit nilang babantayan ang Sta. Margarita Samar, kung saan ito ay nasa ilalim ng red category.
Umapela naman ito ng kooperasyon sa publiko, na agad na makipag-ugnayan sa kanila sa tuwing may makikitang kakaiba, at hindi pangkaraniwang aktibidad na makikita sa kanilang lugar.
Tinitiyak ng kanilang hanay na 24/7 silang nakabantay hanggang sa araw at pagkatapos ng halalan upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Eastern Visayas.